Ai Ai masakit magsalita sa mga anak kapag nagagalit, namana sa ina
AMINADO ang Comedy Queen at Kapuso star na si Ai Ai delas Alas na masakit siyang magsalita sa kanyang mga anak kapag nagagalit.
Hindi raw talaga niya mapigilan ang sarili na maglabas ng totoo niyang nararamdaman kapag sumasama ang loob niya kapag nagkakamali o nakalagawa ng sablay ang mga anak.
Isa ito sa mga naging rebelasyon ni Ai Ai sa latest episode ng limited talk series ng GMA 7 na “My Mother, My Story” nitong Linggo, October 27, hosted by the King of Talk Boy Abunda.
“Parang kapag galit ako noon, noong highblood-in ako, parang hindi ko masyadong nasu-sugar coat (ang tunay na nararamdam ko),” pag-amin ni Ai Ai.
Dugtong pa ng veteran actress-comedienne, “Si mother (Nanay Justa, ang kanyang adoptive mother) kasi masakit magsalita, e. Parang ganu’n din ako kapag galit ako. Masakit akong magsalita.”
Ngunit agad din namang ipinaliwanag ni Ai Ai na may pagkakaiba rin sila ni Nanay Justa pagdating sa pagdidisiplina ng mga anak.
Ani Ai Ai, kinakausap daw niya ang mga anak at agad humihingi ng sorry pagkatapos magalit at tumalak.
“Nag-a-apologize ako and nagpapaliwanag ako after, na bakit ko nasabi ‘yun. And nagso-sorry ako talaga palagi and mini-meeting ko sila,” pahayag pa ng Comedy Queen.
Nang lumaon, binago na rin daw ni Ai Ai ang paraan at sistema ng pagpapalaki at pag-aalaga sa kaiyang mga anak. Mas naging open na siya sa nararamdaman ng mga ito at mas natutong makinig sa kanilang mga hinaing at problema.