Hindi mamatay-matay ang isyung break na sina Enchong Dee at Julia Montes, sa kabila ng makailang ulit na itong pinabulaanan ng young actor sa kanyang interviews.
Sa presscon ng The Strangers kahapon, December 9, sa Dolce restaurant sa Quezon Avenue, Quezon City, ay muling natanong tungkol dito si Enchong.
Sabi ng Kapamilya young actor, “I don’t think there’s something to end.”
Dati nang bukas si Enchong sa nararamdaman niya para kay Julia. Totoo raw ang nararamdaman niya para rito at gayundin ang pagsasabing panliligaw niya sa young actress.
Ayon kay Enchong, “Wala namang natapon and we’re okay and we’re doing good together.
“And at the same time, hindi naman siguro yung ine-expect ninyo na energy, naibigay naman namin.”
Sagot niya, “Hindi, wala naman kasi.
“I had to admit na… I have to be honest na after ng U.S. tour namin, she flew to Europe.
“So, ngayon lang talaga ulit kami nagkita. So, wala pa talagang personal communication talaga.”
Ano sa palagay niya ang dahilan at hindi pa rin mamatay-matay ang isyu ng hiwalayan nila ni Julia?
Saad ni Enchong, “Kasi ang hiwalayan, depende kung ano ang ibig sabihin, kung hiwalayan na relasyon.
“Wala namang kailangang ipaghiwalay, pero hindi na lang siya katulad noong dati. Yun lang,” sabi niya.
Nakaapekto ba yung ilang linggong pagkawala ni Julia?
“Yung oras, siyempre,” sagot ni Enchong.
Masasabi ba niyang na-lessen yung dating pagmamahal na meron siya para kay Julia?
“Will it ever lessen? I don’t think it will…
“Malaking bahagi ang oras, siyempre. Pero…” natatawang iminuwestra na kunwari ay naluha siya.
CONTINUE COURTING? Ang tanong ngayon kay Enchong: Itutuloy pa rin ba niya ang sinasabing panliligaw niya rito?
“Tingnan natin,” sambit niya.
“Kumbaga, kahit naman nandito kami, hindi rin naman kami magkikita, parang pareho lang din, di ba?”
Pero sinabi ni Julia noon, na kay Enchong kung gusto nga nitong ituloy ang panliligaw o hindi sa kanya.
Reaksiyon dito ni Enchong, “Totoo siguro na nasa akin, pero sa isang relasyon naman siguro, nasa dalawang tao—nasa dalawang tao.
“Malaking bahagi si Julia ng 2012 ko, siyempre.”
Nandoon ba yung paghahangad niya na sana ay tumulong din si Julia kung puwede niyang ituloy kung anumang relasyon meron sila ngayon?
“Sana. Siguro, dapat,” nakangiti niyang sagot.
COMMUNICATION. May komunikasyon pa rin ba sila ni Julia?
“Oo naman, kamustahan,” sagot ng young actor.
Ano ba ang state of emotion na meron siya ngayon—masaya, malungkot, o may kulang?
“Ako, sa totoo lang, masayang-masaya talaga ako.”
Ano ang pinanggagalingan ng kasiyahan niyang iyon?
“Umuuwi ako nang walang patlang, walang pahinga.
“Ibig sabihin, binibigyan ka ng Diyos ng maraming pagkakataon para i-enjoy mo ang mahal mo na ginagawa.”
Sa aspeto ng personal na usapan, masaya ba ang puso niya?
“Oo naman,” sagot niya.
“Hindi naman kumukumpleto sa kasiyahan na yun ang lovelife lang o ang personal lang.
“Siyempre, may percentage lahat ‘yan. Pero, mas nananaig yung masaya.”
Pero sa interview kay Enchong, tila may pahiwatig ito na ititigil o magpapahinga muna siya sa kung anumang interes meron siya kay Julia.
Pag-amin niya, “Siguro kapag parehong hindi na kami sikat.”
Nagiging hadlang ba ang tinatamasang kasikatan nila ngayon?
“Oo, trabaho,” nakangiti pa rin niyang sabi.
Itinanggi rin ni Enchong na may factor ang pagkaka-link nila ni Maja Salvador na kapareha niya sa teleseryeng Ina Kapatid Anak.
Aniya, “Walang ganoon, promise, walang ganoon.”
MMFF. Sa official entry Quantum Films at MJM Productions sa 2012 Metro Manila Film Festival na The Strangers, magkasama at “magkapareha” sina Enchong at Julia.
Tinanong ng PEP si Enchong kung kakayanin ng pelikula nilang The Strangers ang mag-compete at mag-number one sa box-office.
“Kailangan nating i-claim na magna-number one tayo,” nakangiting tugon naman niya.
“Para ma-attract natin ang energy na magna-number one kami at sana mag-number one talaga kami.”
Tila handa na rin si Enchong na talikuran ang boy-next-door image niya sa pelikula, tulad ng karakter niya sa horror movie nila ngayon.
Sabi niya, “Siyempre, darating tayo sa panahon na hindi ka parating puwedeng maging cute, hindi ka parating puwede na maging pogi.
“Darating ka sa panahon na kailangan mong mag-mature. Kailangan mong maghubad… nakakatakot maging marumi.
“So, nandoon na ako sa stage na yun na kailangan mong mag-explore ng ibang mga bagay na kailangan mong gawin.”
Na-challenge ba siya sa pelikula nilang ito?
“Very much,” aniya.
“Ako, kung hindi lang siguro kasalanang magyabang, ipagyayabang ko itong pelikula at ang ginawa ko.”