Sa blessing ng bagong opisina ng Star Magic kahapon, January 9, sinundan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Julia Montes upang makita kung may pagkakataong magtatabi at magkakausap sila ng nali-link sa kanya ngayon na si Enchong Dee.
Hindi namin alam kung nalingat kami at may pagkakataon na nagkalapit din sila, pero wala kaming nakita na nag-usap man lang sila.
“Happy New Year. Happy New po! Happy New! Charos!” paulit-ulit na bati ni Julia Montes habang papalapit sa amin para sa interview na ito.
Magse-seventeen pa lang si Julia.
Isang taon pa ang hihintayin ni Enchong Dee, na napababalitang interesadong lumigaw sa magandang dalaga.
“Oo. Tagal pa. Bata pa ako.
“Test yun. Wala namang lalaking naghihintay, di ba? Test yun,” nangigiti niyang sabi.
COCO’S LEADING LADY! Masaya naman si Julia dahil ipalalabas na ang kanilang teleseryeng Walang Hanggan, na pambungad ng ABS-CBN ngayong 2012.
“Ayun, malapit na po, January 16. Next week na po. Next Monday na,” banggit ng young actress.
Ano ang kanyang nararamdaman sa papalapit na pag-ere ng kanilang teleserye?
“Excited, pero may halo ring kaba, siyempre.
“Kasi siyempre, bagong Julia yung makikita nila dito, e.
“Kumbaga, kasi sa Growing Up, ang nakikita nila [sa akin] may crush-crush…puppy love.
“Dito kasi, more on love talaga.
“Kaya medyo mature yung role. Kaya, yun.”
Ano ang feedback mula sa fans sa pagsabak niya sa mas mature na role?
“More sa excited sila sa Walang Hanggan. Kinakabahan sila kung…sa kissing scenes.
“And siguro may mga taong hindi maiiwasan na hindi sila ano sa amin ni Coco [Martin].
“Parang yung age [gap] nga daw. Ganyan-ganyan.”
Si Julia ay 17 years old pa lamang, samantalang si Coco ay 30.
Okay lang ba sa kanya na medyo malayo yung edad nila ng kanyang ka-partner?
Siya kasi ay magde-debut pa lang sa susunod na taon.
“Okay lang sa ‘min,” sagot ni Julia.
“Actually, napag-usapan namin kasi mero’n nga kaming ipapakita rito sa Walang Hanggan.
“Kumbaga, hindi nila maiisip yung age gap.
“Kasi do’n sa story pa lang, talagang mai-in love ka na.”
Paano siya napapayag sa kissing scene?
“Hindi naman… Basta!” natatawa niyang sagot.
“Hindi naman…ano? Sasabihin ko ba?
“Hindi naman siya kiss talaga, e. About to kiss, pero hindi kiss.
“Goody-good ako dito at in love, in love nang sobra-sobra.”
IKAW NA! Sinasabing si Julia ang “girl of the hour” ngayon ng ABS-CBN.
Dala ito ng ilo-launch na bagong proyekto, kung saan de-kalibre ang kanyang mga makakasama (Richard Gomez, Dawn Zulueta) at premyadong aktor pa ang kanyang makakatambal (Coco Martin).
“Aminin ko talaga, before, dream ko ‘to.
“Dream ko ‘tong magkaroon ng magandang proyekto, and hindi ko inaasahan na mabibigyan ako agad nito.
“Na hindi ko ine-expect na pagkatapos ng Growing Up, e, isang seryoso na character ang ibibigay sa ‘kin, at bilang maging ka-partner pa ni Coco Martin.
“Isang ano yun, isang pressure at isa ring karangalan. Siyempre masaya.”
BYE, KATHRYN? Ano na ang mangyayari sa character niya sa Growing Up?
“Siyempre no’ng lilipat ako [sa Walang Hanggan], siyempre nahirapan kaming mag-goodbye sa isa’t isa, dahil nga alam namin na naging close kami agad.
“Hindi pa man kami gano’n katagal nagte-taping no’n, talagang ibang klaseng bonding na yung nabuo.
“Siyempre naano sila na, ‘A, lalayo ka na.’
“Tsaka natatakot din sila bago ‘ko nagsimula na, ‘Iba na ‘to ‘te,’ parang gumagano’n sila.
“‘Iba na ‘to, Julia. Mature ka na dito… Nandito lang kami.’
“So, nakakalungkot. Nakaka-miss din.”
So, mawawala na siya sa youth-oriented show nila?
“Abangan nila. Process…’tsaka hindi naman siya bigla, e. May transition din do’n.
“Kumbaga, hindi rin mabibigla yung tao. Magugulat lang sila na iba yung ipapakita namin do’n.”
Hindi na sila madalas na magkakasama ng best friend niyang si Kathryn Bernardo dahil magkaiba na sila ng show?
“Hindi na, pero sa personal, ano naman namin…gumagawa kami ng way para magkita, magkausap.
“Tawagan kami lagi,” saad ni Julia.
Noon sa Mara Clara ay mas tinitilian daw ang kanyang kaibigang si Kathryn Bernardo.
“Ano’ng sasagutin ko do’n?” natawa niyang balik-tanong.
“Siguro hindi naman sa gano’ng way.
“Siguro dahil before, kaya lang mukhang may something sa aming dalawa, kasi kontrabida ako noon [sa Mara Clara].
“Pero wala namang nagbago.
“Siguro different…siguro mas sabik lang yung tao ngayon kasi iba yung ipapakita ko.
“And sigurado ‘ko, na kapag lumabas din naman yung kay Kathryn, gano’n din din naman yung mga tao sa kanya.”
NEW HOUSE? Nabalitaan ng PEP mula sa lola ni Julia, na nakausap din namin, na balak na nilang bumili ng bahay.
Mula kasi sa inuupahan nila sa Teacher’s Village na maliit na apartment, ay lumipat na raw sila sa isang townhouse sa may Commonwealth, Quezon City.
Pero ngayon, gusto na nilang sa sariling bahay tumira.
“Opo, naghahanap-hanap na po kami ng mabibili. This year, hopefully.
“Kasi siyempre, madami rin akong tinitingnang factors.
“Kasi siyempre, dalawang kapatid yung pinag-aaral ko.
“Siyempre, gusto ko ring mag-ipon. Hindi yung ibibuhos ko na agad sa bahay.
“Tinitingnan ko pa yung mga factors na puwedeng mangyari,” sabi ni Julia.