Isang “barkada” movie ang bagong handog ng Star Cinema.
Ito ang The Reunion na pinagbibidahan nina Enrique Gil, Xian Lim, Enchong Dee, at Kean Cipriano. Kasama rin dito sina Julia Montes, Matt Evans, Jessy Mendiola, Megan Young, Bangs Garcia, at Cristine Reyes sa ilalim ng direksiyon ni Frasco Mortiz.
Noong August 14 ay nagkaroon ito ng premiere night sa SM Megamall Cinema 4, kunsaan present ang lahat ng cast, maliban kay Cristine Reyes.
Sa kabila ng malakas na ulan ay dinumog pa rin ng mga fans ang nasabing premiere night.
Ang The Reunion ay tungkol sa masaya at makulit na adventure ng isang barkada, na tampok ang musika ng legendary ‘90s Pinoy rock band na Eraserheads.
Paliwanag ni Direk Frasco: “Ang The Reunion ay tungkol sa tunay na pagkakaibigan at pagtitiwala sa sarili. Tungkol ito sa mga kabataan ngayon. Iba na ang mga kabataan ngayon. Gusto nila laging mapakinggan, i-express ang mga opinion nila, at maging center of attention. Ang generation namin, walang social networking sites gawin ang lahat ng yun.”
Ang storyline at characters ng pelikula ay inspired ng mga sikat na kanta ng Eraserheads, gaya ng “Minsan,” “Superproxy,’ “Toyang,” “Shirley,” at “With a Smile.”
Ani Enchong, “Maswerte kami kasi binigyan kami ng pagkakataon na magbigay ng tribute sa Eraserheads. Alam naman natin na ang kabataan noon at ngayon, Eraserheads talaga yung pinakikinggan.”
Available na rin sa mga record bars ang The Reunion Eraserheads Tribute Album na tampok ang kilalang OPM bands na nag-perform sa mga di-malilimutang kanta ng Eraserheads.
Matapos ang premiere night ay nagkaroon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pagkakataong makapanayam si Julia Montes sa cast party na ginanap sa Chef’s Quarter restaurant sa SM Megamall.
“Siyempre sobrang saya, in a way na kahit fun yun movie, nakakaiyak siya kasi,” sabi ng 17-year-old actress na si Julia.
“Di namin ini expect na ganun yung feedback nung tao, ganito kasaya yung reaksyon nung mga nanood. So, happy talaga ako na naging part ako ng The Reunion.”
Kamusta na kayo ni Enchong after doing the movie, mas nadagdagan ba yung bonding at closeness ninyong dalawa?
Julia: “Hindi! Ganun pa din! (sabay tawa) Hahaha!”
Malapit ka nang mag-18, so handa ka na ba sa panliligaw ni Enchong?
Julia: “Hindi ko pa alam. Let’s see in the future…after my birthday.”
Meron bang chance si Enchong kung sakaling matuloy yung panliligaw niya sa ‘yo?
Julia: “Ayaw ko munang magsalita nang tapos, mamaya sabihin kong walang chance tapos makita niyo in the future na meron pala, so lets see, kasi kinikilala ko pa rin yung tao hanggang ngayon.”
Ano yung pinaka favorite na song mo dun sa The Reunion album na ginamit sa movie niyo?
Julia: “Yung ‘Ligaya’ talaga, kasi ang saya-saya niyang kanta at nakakakilig at syempre yun yung pangalan ko sa pelikula namin, di ba?”
Hindi ka ba napi-pressure or kinakabahan para bukas sa showing kung magugustuhan ba ng tao or hindi ang pelikula ninyong ito?
Julia: “Kinakabahan din pero, ang ganda lang kasi nung movie, ang light lang ng istorya. Alam kong lahat tayo gusto lang ng light sa buhay. Hindi lang light yung movie kundi makaka relate din lahat ng makakapanood kasi lahat naman tayo dumaan ng highscool, so makaka relate sila sa bawat karakter namin dito.”
Kanino ka naka relate sa karakter dun sa movie?
Julia: “Si Ligaya rin kasi may pagka silent type moment din ako na handa akong magtago ng sikreto para lang ikabubuti ng partner ko.”
Na enjoy mo ba yung pagganap sa karakter mo rito?
Julia: “Oo, sobra kong na enjoy kasi iba naman, ginawa akong manang, ni ngarag yung itsura ko, ginawa akong pilay. Ibang iba talaga yung karakter ko rito sa ibang nagawa kong karakter.”
Nahirapan ka ba sa pagganap na pilay dito sa movie?
Julia: “Mahirap siya actually, in a way, kasi nung una hindi namin alam kung paano ko itatago yung isang paa ko na hindi mahahalata ng mga manonood at medyo nanangalay siya. Pero magandang experience kasi nakaka refresh sa mga tao na ibang Julia Montes naman ang makikita nila rito.”
Noong August 1, ipinalabas sa primetime teleserye na Walang Hanggan ang rape scene na ginawa ni Nathan (Paulo Avelino) kay Katerina (Julia).
Nahirapan ka ba nung ginawa ninyo ni Paulo Avelino ang rape scene para sa Walang Hanggan?
Julia: “Sobrang intense! Kung ano yung iyak ko dun, natural na natural yun. Saka yung time na hindi makahinga that time, totoong di ako makahinga nun.”
Sa edad mo na 17, hindi ka ba natakot or kinabahan nung nalaman mong may eksenang ganun?
Julia: “Natakot ako siyempre, pero siyempre super happy ako kasi natapos na siya, and yung mga tao, natuwa sila dahil nagawa yung bagay na yun na maganda naman ang kinalabasan at hindi naman bastos ang dating. So for me, para siyang goal na dream come true na nagawa ko yung scene na yun na maganda yung feedback nung mga tao.”